Iba’t Ibang Impormasyon Tungkol sa Alcoholism

Narito ang iba’t ibang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa alcoholism na makatutulong sa iyo upang maunawaan mo kung nararapat mo bang ipagpatuloy ang pagiging lulong dito o hindi. Ang mga bagay na ito ay makapagpapaliwanag sa iyong kaisipan upang maitimbang mo sa iyong sariling pang-unawa ang mga epektong naidudulot hindi lamang sa iyong katawan kundi pati na rin sa iyong personalidad. Una sa lahat, maraming mga tao ang naniniwala na hindi nakakasama sa kanilang kalusugan hangga’t hindi sila lumalabis sa kanilang pag-inom.

Kahit sabihin pang ang kontroladong pag-inom ay hindi masyadong nakaaapekto kaysa sa malabis na pagkonsumo nito at paglalasing, hindi naman totoong ang pag-inom ng kaunti ay hindi nakakasama. Ang pag-inom ng alak, marami man o kaunti, ay laging may kaakibat na epekto, saan man kuning paliwanag o aspeto tingnan.

Ang mga dahilan nito ay marami at kung titingnan sa anumang anggulo, ang pinakamasamang epekto nito sa ating katawan ay ang calorie na bumubuo dito. May pitong calories bawat gramo ng alcohol at ito ay may masamang epekto sa ating kalusugan at katawan, sapagkat magiging dalawa na ang kanyang ginagampanan pagdating sa pagsusunog niya ng enerhiya, sa ating mga kinain at ngayon nga, sa ating ininom na alak.

Ang labis na bilang ng calorie na matatagpuan sa alak o alcohol ay sapat na dahilan na upang tumigil na sa pag-inom ng alak. Hindi na kailangan pang sabihin ang katakut-takot na dahilan at masasamang epekto nito hindi lamang sa ating pisikal na kalusugan kundi pati na rin sa ating emosyonal, kaisipan at pagkatao. Kahit na itinuturing mo na ang iyong pag-inom ay paminsan-minsan lamang, marami pang mga bagay ang dapat mong isipin na dahilan upang huwag ka nang uminom ng mga nakalalasing na inumin.

Ang alcohol ay napatunayan na nagiging sanhi ng mga pagsusuka, sobrang sakit ng ulo o hangover, kawalan ng tubig o likido sa katawan, nakapagpapababa ng kakayahan upang mag-isip ng tama at iba pa. Ang mga ito ay hindi lamang nagyayari sa mga taong labis ang pag-inom kundi nagaganap din ito sa mga indibidwal na paminsan-minsan lamang ang pag-inom ng alak.

Ang alak ay isang uri ng depressant. May epekto ito sa ating emosyonal na bahagi na nakapagpapababa ng ating sigla at lakas. Ang kawalan ng sigla, kadalasan, ang nagiging sanhi ng ating mga stress at depression.

Mayroon pa bang hihigit na dahilan sa mga sakit na naidudulot ng alcohol? Sakit sa atay, sakit sa puso, mataas na blood pressure at mga iba pang mga malulubhang karamdaman na ang ugat ay ang pag-inom ng alak. Sa katagalan, ang pag-inom ng alak ay magiging sanhi ng kamatayan ay pagkasira ng buhay ng maraming mga Filipino sa hinaharap. Kaya, ano pa ang hinihintay mo? Huminto ka na ngayon sa iyong ginagawang paglalasing.