Alam nating lahat ang mga masasamang epektong naidudulot sa ating katawan ng sobrang pag-inom ng alak. Kung ang isang tao ay lubusang nalulong sa ganitong gawain, makararanas tiyak ng maraming uri ng negatibong resulta. Ang mga epektong ito ay nakasisira hindi lamang sa ating pisikal na pangangatawan bagkus ay nakaaapekto rin pati sa ating isipan, damdamin at pagkatao. Maraming sitwasyon ang nagaganap na nakakasira rin sa isang relasyon, trabaho at kabuuang buhay ng mga tao at miyembro ng pamilya. At magkaminsan, ang labis na pagkahaling sa alcohol ay nagiging dahilan ng mas malalang kondisyon gaya ng pagkakaroon ng maraming sakit at komplikasyon sa iba’t ibang internal na bahagi ng katawan na nagiging sanhi ng malagim na kamatayan ng isang nilalang.
Sa patuloy na pag-abuso ng ating katawan sa alcohol, mas magiging dependent tayo dito sasalalay ang ating buong sistema sa mga nakakasirang kemikal na unti-unting makaaapekto sa loob at labas ng ating pisikal at emosyonal na sistema. Magkakaroon ng maraming side effects at magigising na lamang tayo isang umaga na hindi na pala natin kayang itigil ang pagkakaroon ng ganitong bisyo. Malalaman natin sa ating sarili na napakahirap na nating ihinto ito sapagkat sadyang may matibay nang kinakapitan sa ating pagkatao ang nakalalasing na inumin.
Hindi maikakailang ang paghinto sa pag-inom ay sadyang mahirap para sa isang tao lalo na kung ginagawa na niya ito sa mahabang panahon. Sa pagkalulong niya sa alak ng maraming taon, nakabuo na ang sistema niya ng kaukulang pagnanasa upang ipagpatuloy araw-araw ang pag-abuso sa alcohol. At kalimitan, ang paghinto ay nagbubunga ng hindi mabilang na withdrawal symptoms na nagiging dahilan kung bakit ang isang indibidwal na ibig huminto sa pag-inom ay bumabalik muli sa kaniyang bisyo. Hindi niya makayanan ang mga epekto at ang tanging maiisip niyang gawin ay ipagpatuloy na lamang ang kanyang bisyo. Ang pagsulpot ng mga sintomas ng pagtigil sa konsumo ng alak ay nagiging isang mabigat at malakas na rason upang sumuko na sa pagbabalak na ipagpatuloy ang pagtigil. Ang mga epekto sa katawan pagkatapos ng huling pag-inom ay maaaring maging hadlang upang ganap na labanan ang addiction.
Sa ganitong pagkakataon, marapat lamang talagang pag-aralang mabuti ang mga bagay na dapat gawin kung nais na huminto sa pag-inom ng alak. Makatutulong ang pag-aaral at masusing pagbusisi sa mga dapat na gawin upang maiplanong mabuti ang paglayo sa nakaka-adik na kemikal. Ang paghimay sa mga detalye ng mga plano at ang mabuting pagsasakatuparan ng mga ito ay magiging daan upang mapagtagumpayan ang laban sa alcoholism.
At kung ang simulang bahagi ng pagtigil ay magampanan, ang isang taong may malakas na addiction sa alcohol ay makasisigurong magiging madali na ang susunod na paglalakbay. Pananatilihin na lamang ang mga unang hakbangin at katagalan ay malilimutan na ang mga bagay na tungkol sa alak at makapamumuhay na ng normal at malusog. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinakdang programa para sa mga alcoholics, magagawang maalis kahit ang pinakagrabeng bisyo sa katawan. Katulad ng iba pang mga plano, kailangan lamang ang matibay na pananalig sa Maykapal at ang malakas na motibasyon sa sarili upang maging matibay sa lahat ng mga pagsubok.
Ngunit hindi magiging madali para sa mga alcoholic ang huminto. Kinakailangan nila ang suporta na galing sa kanilang pamilya at mga kaibigan upang maipagpatuloy ang plano at programa ng paghinto. Sapat ang pagmamahal at pagkalinga ng mga mahal sa buhay upang maisip ng alcoholic na dapat na talagang putulin ang kaniyang mga bisyo. Marapat lamang na ang mga kakilala at mga kamag-anak ay manatiling nasa tabi ng isang alcoholic kung siya’y nagnanais na umalis na sa pagkaalipin ng mga bisyo at mamuhay ng isang normal at responsableng nilalang.
Mahirap mapasadlak sa lapag ng pagiging alcoholic. Hindi magiging maganda ang bunga ng pagkakalulong ditto at magkakaroon ng mga masasamang epekto sa hinaharap hindi lamang sa taong naging gumon kundi pati na rin sa mga miyembro ng pamilyang kinabibilangan at ang mga malalapit na kaibigan. Kaya nararapat lamang talagang maisip na ang paghinto na sa pag-abuso sa alcohol ay siyang pinakamagandang magagawa para sa sarili at sa lipunang ginagalawan.