Maging Matalino – Tumigil sa Pag-inom ng Alak

Ang araw na ito ang panahon na maaaring maging simula ng iyong pagbabago. Ngayon na ang tamang sandali upang tumigil ka sa pag-inom ng alak at mamuhay ng malusog, responsible at kapaki-pakinabang sa iyong buhay. Kung naiisip mong tumigil na ngayon, sapagkat naisip mo na ang mga masasamang epekto ng labis na pag-inom ng alak sa iyong katawan at kalusugan, maaaring ang unang hakbang na iyong isakatuparan ay ang pagbisita sa isang doktor o espesyalista na higit na nakaaalam sa pagsugpo ng ganitong karamdaman upang malaman ang iyong medikal na kondisyon. Maaari ka ring pumunta sa isang grupo na sumusuporta sa mga alcoholics gaya ng Alcoholics Anonymous o di kaya naman ay maaaring simulan sa pagtatakda ng isang petsa kung saan ay maaari ka nang tumigil sa paglalasing. Tunay na magagawa mong tumigil sa pag-inom na wala ang mga suporta ng mga doktor at ng ibang tao ngunit mas mahalagang isakatuparan ang ninanais na gawain na may gabay at pagkalinga ng isang espesyalista.

Ang mga manggamot ng ganitong uri ng sakit na tulad ng alkoholismo ay makapagbibigay sa iyo ng mga payo at tulong medikal na kakailanganin mo sa iyong pagbabago. May mga atake ng alcohol withdrawal symptoms na maaaring makasira ng iyong diskarte at ito ang iyong mga bagay na dapat ikonsulta sa kanila. Ang mga doktor na titingin sa iyong kondisyon ay makapagbibigay sa iyo ng mga tulong medikal at mga gamot upang iyong inumin sa simula pa lamang ng rehabilitasyon. Malawak at mahirap na proseso ang pagtigil sa pag-inom gaya din namang kumplikado ang mga sitwasyon at mga dahilan kung kaya ka nalulong dito. Sa dalawang ito, mas makikinabang ka ng lubos kung malalagpasan mo ang mahihirap na antas ng paghinto at mananatili kang nakahawak sa iyong mga balakin at plano.

Maraming maaaring gawin upang makakawala sa mga bisyo. Dapat nating maisip na ang tanging naidudulot sa ating buhay at sa buhay ng ating mga minamahal ng mga ganitong gawain ay puro sakit lamang ng ulo. Kaya tama lamang na ihinto na natin ang mga ganitong gawain upang hindi na dumagdag sa ating mga problema. Kung patuloy nating aabusuhin ang alcohol, nakatitiyak tayo na magkakaroon tayo ng mas maraming problema sa hinaharap.

Kung gusto nating magkaroon ng magandang kinabukasan o kung ibig nating matupad ang ating mga pangarap, ihinto lamang natin ang ating negatibong ginagawa at panatilihin ang mga positibong bagay na makatutulong sa atin at sa ating kapwa. Mahihirapan tayo sa simula ngunit kapag nalagpasan na natin ang mga mahihirap na antas, magiging madali na sa atin ang pagtigil at malalaman natin na tayo ay may panibagong buhay at nagsisimula nang bumangon sa pagkakadapa.